DEWORMING, LIGTAS AT DAPAT NASUSUNOD ANG TAMANG PROSESO — CHO DAGUPAN

Sa kabila ng pangamba ng ilan ukol sa ligtas na pagpapapurga o deworming, nilinaw ng City Health Office (CHO) ng Dagupan City na nakabubuti ito para sa kalusugan at hindi nakamamatay.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ng na ang deworming ay ligtas na paraan upang maalis ang mga bulate sa tiyan ng bata. Gayunman, mahalagang masiguro na nakakain na ang bata bago painumin ng gamot at wala itong lagnat, pananakit ng tiyan, o pagtatae.

Ipinaliwanag ng CHO na kahit makainom ng deworming medicine ang batang hindi pa kumakain, ang karaniwang nangyayari ay pananakit lamang ng tiyan at pagsusuka.

Muling nabigyang-pansin ang usapin ng deworming matapos ang insidente sa isang paaralan sa Trece Martires City, Cavite noong Hulyo 2, kung saan isang mag-aaral ang iniulat na nakaranas ng “adverse effects” matapos sumailalim sa school-based deworming program.

Pumanaw ang bata kinabukasan, Hulyo 3, dahil umano sa septic shock.

Kasalukuyang nagsasagawa ng joint investigation ang Philippine National Police (PNP) at Department of Education (DepEd) kaugnay ng insidente.

Samantala, iginiit ng DepEd na matagal nang ipinatutupad ang taunang school-based mass deworming program bilang bahagi ng hakbang para mabawasan ang kaso ng soil-transmitted helminth infections sa mga mag-aaral.

Ayon sa ahensya, tanging mga mag-aaral na pumasa sa health screening at may pirmadong consent ng kanilang mga magulang o guardian ang maaaring sumailalim sa deworming. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments