
Naging mapayapa sa pangkalahatan ang naging pagtitipon ng Iglesia ni Cristo (INC) na natapos kagabi.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Police Major General Anthony Aberin, generally peaceful ang kanilang assesment sa kabila ng ilang insidente at tensiyon na naitala sa unang araw ng pagtitipon.
Agad umanong natugunan ang komosyon alinsunod sa umiiral na batas at mga itinakdang operational procedures.
Sa sumunod na dalawang araw, naging maayos at mapayapa umano ang daloy ng pagtitipon.
Matatandaang, nagsimula ang kilos-protesta noong Martes sa People Power Monument sa Quezon City, na nagdulot ng mabigat na trapiko sa EDSA at White Plains Avenue.
Nagpatuloy ang rally noong Miyerkules matapos makakuha ng permit mula sa Quezon City LGU.
Gayunman, binawi ang permit para sa ikatlong araw ng pagtitipon kung kaya inilipat ng mga organizer ang aktibidad sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.
Muli namang tiniyak ng ahensya ang kanilang pangako na ipatupad ang batas nang patas, at paggalang sa karapatang pantao habang pinangangalagaan ang kaligtasan ng publiko.
Isinagawa ang INC rally bilang suporta kay Senator Rodante Marcoleta, na nahaharap at umano’y sasampahan ng kasong plunder kaugnay ng umano’y P75-milyong donasyon na natanggap noong nangangampanya ito sa pagtakbo.










