MAHIGIT 57,000 LUMABAG SA MGA ORDINANSA SA ILOCOS REGION, NAHULI NG PRO 1 NOONG HUNYO

Umabot sa 57,122 katao ang naaresto o nasita ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa buong Ilocos Region mula Hunyo 1 hanggang 30, 2026 sa ilalim ng pinaigting na pagpapatupad ng Safer Cities Initiatives.

Sa kabuuang bilang, 49,071 ang nahuli dahil sa paglabag sa mga panlalawigan, panlungsod, at pambayang ordinansa, kabilang ang mga paglabag sa batas-trapiko.

Sinundan ito ng 3,889 na nahuli sa iba pang paglabag sa mga lokal na ordinansa.

Nakapagtala rin ang PRO 1 ng 2,376 kataong nahuling umiinom ng alak at naninigarilyo sa mga pampublikong lugar, 955 menor de edad na lumabag sa curfew, at 663 indibidwal na gumagala sa lansangan nang walang suot na pang-itaas.

Bukod dito, 146 na paglabag sa road clearing ang naitala dahil sa mga ilegal na istruktura at sagabal sa kalsada, habang 22 katao ang nahuli sa pagpapatakbo ng videoke lampas sa itinakdang oras.

Ayon sa PRO 1, 51,315 sa mga lumabag ang pinagmulta, habang 5,807 naman ang binigyan lamang ng babala at pinalaya alinsunod sa umiiral na batas at mga lokal na ordinansa.

Sa kabuuan, umabot sa ₱24,235,725 ang nakolektang multa sa loob ng isang buwang operasyon.

Patuloy namang hinihikayat ng PRO 1 ang publiko na sumunod sa mga umiiral na batas at lokal na ordinansa bilang bahagi ng sama-samang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa buong Ilocos Region. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments