Monday, June 29, 2026

Petisyon para sa TRO ng PUV modernization program, dapat pa ring dinggin ng Korte Suprema —Piston

Humiling ang transport group na Piston sa Korte Suprema na aksyunan pa rin ang kanilang petisyon na humihiling ng temporary restraining order (TRO) sa implementasyon ng PUV Modernization Program.

Sa inihaing manifestation ng Piston ngayong Lunes ng hapon, iginiit nila na hindi pa moot ang kanilang TRO petition.

Tugon ito ng grupo sa direktiba ng Kataas-taasang Hukuman na magsumite ang magkabilang panig ng kanilang paliwanag kung dapat bang ikonsidera nang moot o wala nang saysay ang petisyon dahil sa paglalabas ng Department Order ng Department of Transportation (DOTr) noong December 2023 na pumalit sa Omnibus Franchising Guidelines.

Ang naturang guidelines kasi ang nagpapatupad noon ng PUV Modernization Program bago maging epektibo ang bagong kautusan mula sa Transport Department.

Pero ayon sa abogado ng petitioners na si Atty. Kristina Conti, dapat pa rin itong dinggin dahil maraming PUV driver ang nananatiling apektado.

Ipinaliwanag ni Conti na napakababa pa rin ng compliance rate sa mga pumapasadang jeep kaya maaaring mawala ng mga bumibiyahe kung tuluyang ipapatupad ang 100% consolidation requirement.

Samantala, saglit ding nagsagawa ng kilos protesta ang Piston matapos ang kanilang filing.

Facebook Comments