
Hindi kapani-paniwala para kay Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando ang
“Upper-middle income” status ng Pilipinas batay sa klasipikasyon ng World Bank.
Para kay San Fernando, hindi ito dapat ipagdiwang ng administrasyon dahil ito ay panlilinlang at insulto sa mga miserableng manggagawang Pilipino.
Diin ni San Fernando, hindi totoo na lahat tayo ay kumikita taun-taon ng nasa ₱150,000 hanggang ₱270,000 at hindi rin nararamdaman ng taumbayan ang paglago ng ekonomiya.
naniniwala si San Fernando na ang nabanggit na klasipikasyon ng World Bank ay panghikayat lang para makautang uli ang ating bansa pero hindi ibig sabihin ay yumaman na ang mga manggagawang Pilipino.
Bunsod nito ay hinahamon ni San Fernando si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na kung seryoso itong mapalakas ang ekonomiya ay dapat itong makinig, mamuhunan sa hanay ng mga manggagawa at suportahan ang panukalang ₱200 nationwide legislated wage hike.










