
Nahatulan na ang pitong sangkot na indibidwal, na kinabibilangan ng tatlong mga dating Philippine Marines, sa kidnapping for ransom sa isang 78 years old na babaeng negosyante na nailigtas sa Quezon City.
Ang nasabing insidente ay naganap noong September 2025 kung saan sapilitang dinukot ng mga armadong lalaki ang nasabing babaeng negosyante sa kahabaan ng C3 Road na kalaunan ay humingi ang mga kidnapper ng P150 million na ransom kapalit ng kanyang kalayaan.
Nang dalhin ng mga kidnapper ang biktima sa isang bangko sa Quezon City upang mag-withdraw ay dito na nailigtas ng pulisya ang biktima at naaresto ang tatlong suspek habang walong iba pa ang naaresto sa mga sumunod na operasyon.
Ayon sa ulat ng pulisya, pumasok ang mga suspek na driver at security ng nasabing negosyante, na maituturing na isang inside job na modus.
Ayon kay Anti-Kidnapping Group (AKG) Director PBGen. Edwin C. Balles, kahapon ay hinatulan na sa korte sa Quezon City ang pitong indibidwal ng reclusion perpetua nang walang posibilidad na makapag-parole.
Habang ang apat na iba pa ay napawalang-sala matapos mabigong mapatunayan ng prosekusyon ang kanilang pagkakasala nang lampas sa makatwirang pagdududa o failure to prove guilt beyond reasonable doubt.










