Testigo sa kaso ng pangmamaltrato sa kasambahay sa Occidental Mindoro, tinangkang patayin

Tinangka umanong patayin kagabi ang testigo sa pangmamaltrato sa isang kasambahay sa Mamburao, Occidental Mindoro.

Ito ang ibinulgar ni Senator Francis Tolentino mula sa impormasyong kanyang nakuha kay Police BGen. Joel Doria, ang Director ng Philippine National Police (PNP) Regional Office 4B o MIMAROPA.

Ang testigo na si alyas “Dodong” ay nakatakda sanang tumestigo sa Senado ukol sa imbestigasyon ng pangmamaltrato at pambubugbog ng kanyang mga amo sa kasambahay na si Elvie Vergara.


Batay sa impormasyon, bandang alas 8:30 ng gabi ay pwersahang pinasok ng dalawang lalaking naka-bonnet ang tinutuluyan ni alyas Dodong sa Paluan, Mindoro Occidental.

Pinaputukan nila ng baril si alyas Dodong pero sa kabutihang palad ay hindi ito natamaan.

Sa ngayon ay nasa ligtas na lugar na ang testigo.

Nanawagan naman si Tolentino sa PNP na tiyakin ang kaligtasan nina Vergara at alyas Dodong.

Facebook Comments