
Matagumpay na naaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI)–Homicide Division ang dalawang indibidwal sa isinagawang entrapment operation sa Ermita, Maynila noong June 16, 2026.
Ito ay dahil sa umano’y cyber-enabled extortion at iba pang kaugnay na paglabag sa batas.
Ayon sa NBI, nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (Republic Act No. 10175), Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 (Republic Act No. 9995), grave threats, at unjust vexation.
Nagsimula ang operasyon matapos magsampa ng reklamo ang biktima kaugnay ng umano’y iligal na pag-access ng mga suspek sa mga confidential file na nakatago sa isang company-issued laptop.
Nakuha umano ng mga suspek ang personal na impormasyon, mga pribadong larawan, at mga video ng biktima na kalaunan ay ipinakalat nang walang pahintulot.
Sa imbestigasyon, lumabas na ginamit ng mga suspek ang mga nakuhang impormasyon upang takutin at kikilan ang biktima.
Humingi umano ang mga ito ng P300,000 kapalit ng pagbura at hindi na pagpapakalat ng mga sensitibong larawan at video.
Naiulat din na naibahagi na sa pamamagitan ng electronic messaging platforms ang ilan sa personal na impormasyon at mga pribadong larawan ng biktima.
Matapos ang koordinasyon sa nagreklamo, nagsagawa ang NBI ng entrapment operation at agad na inaresto ang dalawang suspek matapos tanggapin ang napagkasunduang halaga mula sa biktima.
Narekober sa operasyon ang marked money na P300,000, mga cellular phone, at iba pang electronic devices na ginamit sa pakikipag-ugnayan sa complainant, gayundin ang mga electronic message na naglalaman umano ng mga pagbabanta at hinihinging pera.










