
Sumasailalim ngayon sa inspection ang General Santos Fish Port Complex matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa lugar.
Ayon kay Philippine Fisheries Development Authority Acting General Manager Glen Pangapalan, matatag pa rin ang pasilidad batay sa paunang pagsusuri.
Gayunman, kailangan pa ng karagdagang geotechnical investigation at iba pang inspeksyon dahil sa mga aftershock.
Wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa mga empleyado at iba pang gumagamit ng pantalan.
Samantala, tuloy ang operasyon ng fish port sa ilalim ng contingency measures upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng isda at export activities sa General Santos City.
Noong June 8 at 9 pansamantalang ipinasara ang Market Halls 1, 2 at 3, habang limitado ang paggamit sa Market Hall 4.










