
Hindi naiwasang maglabas ng saloobin si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Rafael Alunan III, kaugnay ng kontrobersiya ng pamamahala sa basketball program ng Ateneo de Manila University (ADMU).
Sa isang Facebook post, hinimok ni Alunan ang publiko na iwasan ang labis na reaksyon sa nasabing isyu, dahil hindi umano ito dapat magresulta sa mga panawagan nang pagpapaalis ng koponan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP), bagkus ay mas maigi umanong tulungan na maayos ang pamumuno, pamamalakad, at crisis management ng basketball program para maitama ang kung ano mang pagkukulang ng unibersidad.
Sa kabilang banda, sinabi rin ni Alunan sa nasabing post na mistula umanong pampabango para sa eleksyon ang mga panawagan na imbestigasyon ng Kongreso.
Giit ni Alunan, mas kailangan umanong tutukan ng kongreso ang mga usapin sa ekonomiya, budget, national defense, paglilinis ng gobyerno at mga batas na makakatulong sa negosyo.
Samantala, umaasa umano si Alunan na muling makakabangon ang nasabing koponan at agad na makakabalik sa kompetisyon.










