
Kwestyonable at pansariling interes lang para kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang timing ng banta ng Duterte Youth na pagsisiwalat ng katiwalian sa pamahalaan.
Reaksyon ito ni Manuel sa banta ni Duterte Youth Party-list Chairman Ronald Gian Carlo Cardema na kung hindi sila mabibigyan ng congressional seat ay ibubunyag nila ang umano’y “kalokohan” na kinasasangkutan ng Kongreso at mga opisyal ng Commission on Elections (COMELEC).
Para kay Manuel, malinaw na ito ay isang uri ng pamba-blackmail at pagpressure ng Duterte Youth sa COMELEC na iproklama ito bilang isa sa mga nanalong partylist sa katatapos na midterm elections.
Punto ni Manuel, kung dati pa ay may alam na ang Duterte Youth na tungkol sa korapsyon sa gobyerno ay dapat noon pa nila ito isiniwalat.