
Isinusulong ni Senator Bam Aquino na bigyan ng P2,000 buwanang allowance ang persons with disabilities o PWDs.
Sa inihaing Senate Bill 2386 ni Aquino o ang National Disability Support Act, itinutulak na makatanggap ang mga kwalipikadong PWD ng buwanang allowance na P2,000 sa ilalim ng National Disability Support Allowance Program.
Nakasaad sa panukala na maaari pa itong regular na i-adjust batay sa inflation para mapanatili ang halaga nito sa paglipas ng panahon.
Sinabi ni Aquino na ang mga PWD ay nahaharap din sa dagdag na gastusin sa kanilang pang-araw-araw na buhay tulad sa transportasyon, healthcare, personal assistance, at assistive devices na essential o mahalaga para sa kanilang survival sa mga gawain, trabaho, at sa buhay sa komunidad.
Paliwanag ng senador, ang allowance na ito ay idinisenyo para ma-compliment ang umiiral na social protection program at mapalakas ang mga PWD na mamuhay ng independent, makapagtapos ng pag-aaral, makapagtrabaho, at aktibong makilahok sa lipunan.
Sa unang tatlong taon ay prayoridad muna ang mga batang may kapansanan at mga nasa hustong gulang na may malubhang kapansanan at sa susunod na tatlong taon ay palalawakin na ang saklaw nito para maisama na ang iba pang kwalipikadong PWDs.










