
Hanggang hindi nakikita ng mga Pilipino ang tunay na pagpapanagot at pagbabalik ng nakulimbat na pondo, hindi mawawala ang kanilang galit sa isyu ng flood control, giit ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes.
Hindi huhupa ang galit ng publiko sa isyu ng flood control sa tuwing may malakas na ulan at matinding pagbaha na magpapaalala sa katiwalian ng nasabing proyekto.
Sa social media post ni Lacson, iginiit niyang hindi matatapos ang sumpa o masasakit na salita ng taumbayan sa mga politiko, at sa mga opisyal at contractors ng DPWH matapos na bumaha sa maraming kalye bunsod ng malalakas na pag-ulan.
Sinabi ni Lacson na mapapawi lang ang galit ng publiko kung may mapaparusahan na at maibabalik ang ninakaw na pondo sa flood control sinuman ang nasasangkot dito.
Matatandaang muling nag-ibayo ang galit ng mga tao sa isyu kasunod ng mga pagbaha sa ilang bahagi ng bansa nitong weekend dahil sa magkakasunod na bagyo at habagat na nagpasuspindi ng klase at pasok sa nga trabaho at libu-libong pamilya ang inilikas mula sa mga tahanan.










