Friday, August 7, 2026

Malacañang, nanawagang ibalik ang respeto at paggalang matapos insultuhin si PBBM ng ilang estudyante sa Davao

Nanawagan ang Malacañang na maibalik ang paggalang at pagiging disenta sa lipunan matapos mag-viral ang video ng ilang estudyante sa Davao City na nagmura at nagbitiw ng mga insulto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. habang papunta ito sa presidential helicopter matapos ang kanyang pagbisita sa lungsod.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakalulungkot na sa loob pa mismo ng isang paaralan nangyari ang insidente.

Hindi aniya matututunan ng kabataan ang tamang asal kung ang mga taong kanilang tinitingala o nakapaligid sa kanila ay gumagamit ng masasamang salita at naghahangad ng kapahamakan ng iba.

Dahil dito, iginiit ni Castro ang kahalagahan ng pagtuturo ng mabuting asal at wastong pagpapahalaga sa kabataan.

Samantala, humingi na ng paumanhin ang Department of Education (DepEd) Schools Division of Davao City sa naging asal ng mga estudyante.

Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang Calinan National High School, habang isinasailalim ang mga sangkot sa kaukulang disiplina, guidance and counseling, at values formation.

Facebook Comments