
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga Pilipino na sumailalim sa voluntary repatriation o babalik ngayon sa bansa dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.
Ayon kay Pangulong Marcos, pagdating nila sa bansa ay tatanggap sila ng ₱150,000 na tulong pinansyal, pansamantalang tirahan at transportation assistance, gayundin ng livelihood support at training vouchers para makapagsimula muli.
Para naman sa mga OFW na piniling hindi na muling mangibang-bansa, sinisiguro rin ng Pangulo na may nakahandang skills training, job matching, panimulang puhunan, at iba pang suporta para makapagsimula ng maliit na negosyo o makahanap ng bagong oportunidad sa Pilipinas.
Hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga Pilipino na nasa Israel at Iran na makipag-ugnayan sa mga embahada sa Tel Aviv at Tehran tungkol sa kanilang sitwasyon.
Payo ng pangulo, sumunod sa mga opisyal ng embahada, at huwag mahiyang humingi ng tulong sa gobyerno dahil walang ibang mas mahalaga kundi ang kaligtasan ng bawat Pilipino.