
Maghaharap na mamayang gabi, oras sa Pilipinas, sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Canadian Prime Minister Mark Carney para sa kanilang bilateral meeting sa Vancouver.
Ayon kay Pangulong Marcos, layunin ng pagpupulong na mailatag ang isang Plan of Action na magsisilbing gabay sa pagpapalalim ng ugnayan ng Pilipinas at Canada sa mga susunod na taon.
Kabilang sa pag-uusapan ang pagpapalawak ng kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, depensa, maritime security, critical minerals, at clean energy.
Tatalakayin din ang mga usaping panrehiyon at pandaigdigan, kabilang ang Indo-Pacific, ASEAN, multilateral cooperation, at sitwasyon sa Middle East.
Magkakaroon muna ng one-on-one meeting ang dalawang lider, kasunod ang expanded bilateral talks kasama ang kani-kanilang delegasyon.
Susundan ito ng paglagda sa ilang kasunduan at joint press statement.
Ito ang unang official visit ng isang pangulo ng Pilipinas sa Canada sa loob ng 11 taon, o mula pa noong 2015, na inaasahang magbibigay ng bagong sigla sa ugnayan ng dalawang bansa.










