
Binuweltahan ng Malacañang si Senadora Imee Marcos matapos nitong tawaging “bangag,” “tulog,” at “lasing sa kapangyarihan” ang administrasyong Marcos sa rally ng Iglesia ni Cristo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakakaawa umano ang senadora dahil gumagamit ito ng fake news at mga akusasyong walang basehan para siraan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang gobyerno.
Iginiit ng Palasyo na may mga konkretong programa para sa mga magsasaka, mangingisda at iba pang sektor, taliwas sa mga paratang ni Sen. Imee.
Kinuwestyon din ni Castro kung bakit ngayon lamang naging matapang ang senadora sa mga isyu, gayong nanahimik umano ito noon sa usapin ng ghost projects at sa pag-amin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa paggamit ng ilegal na droga.
Naniniwala rin ang Malacañang na may bahid ng pulitika ang mga pahayag ng senadora, ngunit nilinaw na hindi magpapaimbestiga si Pangulong Marcos laban sa kanyang kapatid at ipaubaya ito sa mga kinauukulang ahensya kung kinakailangan.










