‘Veggie smuggling’ mula China apektado ang PH food security – Baguilat

38

Hiniling ni dating Ifugao congressman at ngayon ay senatorial candidate Teddy Baguilat sa gobyerno na pigilan ang pagpasok ng smuggled na gulay mula Tsina na aniya’y lubhang nakakaapekto sa kabuhayan ng mga magsasaka sa bansa.

Aniya, dapat maghigpit ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) upang pigilan ang iligal na negosyong ito.

“Simula noong isang taon, ang ating mga magsasaka ay nagdurusa dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19 dahil sarado ang mga merkado na dati nilang dinadalhan. Kapag na-smuggle ang mga gulay mula Tsina, may yumayaman maliban sa ating mga magsasaka. Agad-agad bagsak ang presyo ng mga lokal na gulay dahil hindi makalaban sa mga ini-smuggle na gulay,” ayon kay Baguilat.


Sinabi niya na ang pagdagsa sa mga pamilihan ng mga ini-smuggled na gulay ay lubhang makakaapekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka at sa food security ng bansa.

Ayon sa ulat ng United Nation Food and Agriculture Organization (UN-FAO), 59 milyong Pilipino ang nakaranas ng food insecurity o bahagya hanggang malubhang kawalan ng pagkuha ng  pagkain.

“Ang ating mga magsasaka ay may pamilyang dapat pakainin at mga trabahador na dapat paswelduhin. Paano sila makakalaban ng patas kung ang ating gobyerno ay maluwag sa pagpigil ng pagpasok ng mga iligal na gulay mula Tsina? Sila ay lubhang tinamaan dahil sa pandemya dahil hindi nila madala ang kanilang mga ani sa Metro Manila at mga probinsiya dahil sa batas na ipinapatupad,” wika ni Baguilat.



Sinabi niya na noong isang linggo, nasabat ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang mga iligal na gulay mula Tsina na nagkakahalga ng P15 milyon, ang naturang shipment ay idineklarang frozen vegetable pero ito pala ay mga sariwang gulay na bawal sa batas.

“Ang smuggling ng mga gulay mula Tsina ay nangyayari sa ating harapan. Ang kita ng ating mga magsasaka ay lubhang apektado ng iligal na gawaing ito,” dagdag pa ni Baguilat.


Si Baguilat ay tumatakbo sa ilalim ng team ni Vice President Leni Robredo.

Facebook Comments