
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magpapatuloy ang mga programang pabahay ng pamahalaan, kahit may krisis sa enerhiya at iba pang suliraning kinakaharap ng bansa.
Ayon sa pangulo, kabilang sa prayoridad ng administrasyon ang pagpapatayo ng 6 milyong housing units sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program o 4Ps para mabawasan ang backlog sa pabahay sa bansa.
Binigyang-diin ng pangulo na nais ng pamahalaan na mabigyan ng disenteng tahanan ang mas maraming Pilipino at matulungan ang mga pamilyang walang sariling bahay.
Batay sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), pinalalawak ng gobyerno ang mga opsyon sa pabahay, kabilang ang horizontal housing, vertical housing, at iba pang modalidad upang mas maraming mamamayan ang makinabang.
Ibinaba rin sa 1% hanggang 3% ang subsidized interest rate para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng socialized housing projects upang maging mas abot-kaya ang buwanang hulog.










