Agusan del Norte – Itinutuloy ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang vessel safety inspection sa sumadsad na cargo vessel sa Barangay Tinigbasan, Tubay, Agusan del Norte.
Ayon kay PCG Spokesman Captain Armand Balilo, ang LCT Islander 10 ay nagkaroon ng butas sa ilalim, may kargang 25,969 na litro ng diesel fuel nang sumadsad sa dalampasigan ng Tubay, Agusan del Norte noong Hulyo 8.
Paliwanag ni Balilo sakay ng barko ang 21 tripulante, at tinatahak ang karagatang sakop ng Barangay Tinigbasan nang makasagupa ang naglalakihang alon na pinalakas pa ng hanging habagat.
Nahirapan aniya ang PCG na makalapit sa sumadsad na barko dahil sa masungit na panahon at magalaw ang dagat kaya kahapon lamang nakasampa sa cargo vessel.
Aalamin ngayon ng PCG kung may tumatagas na langis o oil spill, dulot ng pagkasira ng hull ng barko, na lubhang mapanganib sa mga isda at iba pang maritime life kabilang na rito ang corals.