PAMPANGA – Dahil kulang daw ang relief goods, itinapon umano ng isang residente ang nakuhang ayuda mula sa lokal na gobyerno.
Batay sa Facebook post ng Mabalacat City News, bigla raw nagalit ang lalaki matapos makatanggap ng dalawang food pack na dapat daw ay apat.
Sinabi rin ng nagrereklamo na obligasyon ng pamahalaang-lungsod na tulungan ang mga apektado ng ipinatupad na enhanced community quarantine.
Ipinaliwanag naman ng isang volunteer na mamamahagi pa sila ng relief packs sa ibang sibilyan kaya hindi na nila ito madadagdagan.
Nanawagan ang uploader sa publiko na kumalma, matutong rumespeto at magpasensya sa panahon ng krisis.
“Kami po ay nakikiusap sa lahat ng kabahayan na aabutan ng ating relief distribution team o FRONTLINERS na iwasan po natin ang mga ganitong pangyayari… Nauunawaan po natin na 4 na relief packs ang hinihingi nila at kung dalawa lamang ang kayang iabot sa ngayon ay tanggapin na lamang po sana imbes na itapon sa kalsada,” aniya.
Umani ng 2.7 million views sa social media ang insidente na unang inupload noong Marso 27.
Bukas naman ang RMN News para sa panig ng lalaking nakuhanan ng video.