Thursday, May 7, 2026

𝗛𝗜𝗚𝗛-𝗭𝗜𝗡𝗖 𝗥𝗜𝗖𝗘 𝗣𝗥𝗢𝗗𝗨𝗖𝗧𝗜𝗢𝗡, 𝗜𝗟𝗨𝗟𝗨𝗡𝗦𝗔𝗗 𝗦𝗔 𝗗𝗘𝗟𝗙𝗜𝗡 𝗔𝗟𝗕𝗔𝗡𝗢, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔

CAUAYAN CITY- Pormal ng nilagdaan ng lokal na pamahalaan ng Delfin Albano ang Memorandum of Agreement katuwang ang DA-PhilRice para sa produksyon ng high-zinc rice sa Delfin Albano, Isabela.

Saklaw ng kasunduan ang apat (4) na ektaryang lupain na pagtataniman ng mga variety ng palay na NSIC Rc 460 at NSIC Rc 648, na kilala sa pagkakaroon ng mas mataas na zinc content kumpara sa karaniwang bigas. Layunin nitong suportahan ang mga programa sa agrikultura at nutrisyon ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa mga eksperto, ang high-zinc rice ay makatutulong sa pagpapabuti ng kalusugan, partikular sa mga bata, dahil sa benepisyong dulot nito tulad ng mas maayos na paglaki, pinahusay na kakayahan sa pag-iisip, at mas matibay na resistensya laban sa sakit.

Bahagi ito ng ipinatutupad na Healthier Rice Program na naglalayong mabawasan ang kaso ng stunting sa lugar. Batay sa datos, umabot na sa 158 na kaso ng pagkabansot ang naitala sa Delfin Albano, na siyang tinutugunan ng nasabing inisyatibo.

Patuloy naman ang panawagan sa komunidad na makiisa sa kampanya para sa mas malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng mga programang tulad ng high-zinc rice production.

Facebook Comments