
CAUAYAN CITY — Nahihirapan ngayon ang mga magsasaka sa Barangay Buena Suerte sa pagsisimula ng pagtatanim ng palay dahil sa kakulangan ng ulan na nagsisilbing pangunahing pinagkukunan nila ng patubig.
Sa panayam ng IFM News Team kay Ginoong Eddie Baldoz, isang magsasaka sa lugar, sinabi nitong malaking hamon sa kanila ang kakulangan ng ulan sa paghahanda ng kanilang mga sakahan.
Ayon pa sa kanya, malaki ang naging epekto ng matinding init at tagtuyot na nararanasan ngayon na dulot umano ng Super El Niño, na nakaapekto sa kondisyon ng kanilang mga palayan. Aniya, mahalaga ang sapat na tubig sa unang yugto ng pagtatanim upang matiyak ang maayos na pagtubo ng mga pananim.
Sa kabila nito, sinabi ni Baldoz na patuloy nilang pinapabuti ang pangangalaga sa kanilang mga taniman upang kahit papaano ay mapanatili ang kanilang kita.
Samantala, umaasa ang mga magsasaka sa Barangay Buena Suerte na agad silang makaranas ng sapat na ulan upang matugunan ang pangangailangan sa patubig at maiwasan ang mas malaking epekto sa kanilang kabuhayan.










