Nagsagawa ng inspeksyon ang Pamahalaang Lungsod ng Dagupan kasama ang mga kinatawan ng Commission on Audit o COA upang suriin ang mga problemadong proyektong iniwan ng nakaraang administrasyon na umano’y nagdulot ng abala sa publiko at nagresulta sa pag-aaksaya ng milyun-milyong pisong pondo.
Kabilang sa mga siniyasat ang sirang kalsada sa Zamora Street, mga natenggang proyekto sa Malimgas Market, mga hindi gumaganang CCTV camera, at mga kuwestyunableng tablet na binili noon para sa mga estudyante.
Ayon kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez, layunin ng inspeksyon na mabigyan ng malinaw na pagsusuri ang mga proyekto at matulungan ng COA ang lungsod sa pagtukoy ng pananagutan at pagbawi ng pondong maaaring nasayang.
Sinabi rin ng alkalde na maaaring umabot sa mahigit P100 milyon ang kakailanganing pondo upang maisaayos ang lahat ng depektibong proyekto kung hindi agad matutukoy ang mga responsable.
Kasabay nito, muling iginiit ng lokal na pamahalaan ang panawagan ni DPWH Secretary Vince Dizon na “Finish the Unfinished” upang maresolba ang mga problemang minana mula sa nakaraang administrasyon.
Magpapatuloy naman ang inspeksyon at pagmomonitor ng pamahalaang lungsod upang matiyak ang pananagutan ng mga sangkot at mapangalagaan ang pondo ng mamamayan ng Dagupan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







