Tuesday, April 21, 2026

π—Ÿπ—§π—’, π—‘π—”π—šπ—Ÿπ—”π—•π—”π—¦ π—‘π—š 𝗦𝗛𝗒π—ͺ π—–π—”π—¨π—¦π—˜ 𝗒π—₯π——π—˜π—₯ 𝗦𝗔 π—©π—œπ—₯π—”π—Ÿ π—šπ—”π—¦ π—¦π—§π—”π—§π—œπ—’π—‘ π—œπ—‘π—–π—œπ——π—˜π—‘π—§ 𝗦𝗔 π—”π—Ÿπ—Ÿπ—”π—–π—”π—£π—”π—‘, π—–π—”π—šπ—”π—¬π—”π—‘

Cauayan City – Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office laban sa isang vlogger, driver, at rehistradong may-ari ng sasakyan na sangkot sa viral na insidente kung saan hinabol ng gasoline station attendant ang umaandar na sasakyan matapos umanong hindi magbayad.
β€Ž
β€ŽBatay sa imbestigasyon ng LTO Intelligence and Investigation Division, naganap ang insidente sa Maharlika Highway sa Allacapan, Cagayan at kinasangkutan ng isang Toyota Land Cruiser.
β€Ž
β€ŽAyon sa ulat, ang vlogger na sakay ng sasakyan ang umano’y nag-utos o pumayag na ipagpatuloy ang pagmamaneho habang hinahabol ang attendant sa gitna ng matinding init.
β€Ž
β€ŽDahil dito, inatasan ng LTO ang mga sangkot na magsumite ng sinumpaang salaysay at ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat managot sa mga paglabag tulad ng reckless driving at kung bakit hindi sila dapat ideklarang hindi karapat-dapat magmaneho.
β€Ž
β€ŽSamantala, isinailalim na sa 90 araw na preventive suspension ang lisensya ng driver at inatasan itong isuko ito sa awtoridad.
β€Ž
β€ŽAng naturang sasakyan ay inilagay na rin sa alarm status bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon ng ahensya.
β€Ž
β€ŽMariing kinondena ni LTO Chief na si Markus V. Lacanilao ang insidente, iginiit na hindi dapat gawing biro o content ang mga sitwasyong naglalagay sa kapwa sa panganib.
β€Ž
β€ŽBinigyang-diin din niya na may kaakibat na responsibilidad ang paggamit ng sasakyan at hindi ito dapat gamitin sa iresponsable o mapang-abusong gawain, maging para man sa social media.
Facebook Comments