
Isang 75-anyos na matanda ang nasawi habang ilang iba pa ang sugatan matapos ang banggaan ng tatlong sasakyan sa Baay Junction, Brgy. Baay, Lingayen, Pangasinan, bandang alas-8:45 ng umaga noong Abril 17, 2026.
Ayon sa imbestigasyon, sinubukan umanong mag-overtake ng isang truck, na minamaneho ng isang 40-anyos na lalaki, ang isang tricycle kung saan nakasakay ang 75-anyos na matanda sa kanang bahagi ng kalsada.
Sa kasagsagan nito, nasagi ng truck ang sidecar ng tricycle dahilan upang tumagilid ang tricycle at mapunta sa kabilang kalsada kung saan ito nasalpok ng kasalubong nitong tricycle na may sakay na limang pasahero.
Dahil sa insidente, lahat ng sangkot ay nagtamo ng pinsala at agad na isinugod sa ospital. Idineklara namang dead on arrival ang 75-anyos na sakay ng unang tricycle.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang tinutukoy pa ang kabuuang halaga ng pinsala sa mga sasakyan habang muli namang nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na mag-ingat sa pag-overtake upang maiwasan ang ganitong trahedya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










