Wednesday, May 27, 2026

𝗢𝗖𝗗 𝗥𝗘𝗚𝗜𝗢𝗡 𝟬𝟮, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗚𝗛𝗔𝗛𝗔𝗡𝗗𝗔 𝗔𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗔𝗛𝗘𝗡𝗦𝗜𝗬𝗔 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗡𝗧𝗔 𝗡𝗚 𝗘𝗟 𝗡𝗜Ñ𝗢

Cauayan City – Nagpulong ang Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council (CVDRRMC) upang paghandaan ang inaasahang epekto ng El Niño sa rehiyon matapos ipag-utos ni Office of Civil Defense (OCD) Region 02 Director Leon DG Rafael, Jr. ang agarang paghahanda ng mga action plan ng iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.

‎Sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment meeting noong Mayo 25, binigyang-diin ni Rafael ang pangangailangang magkaroon ng konkretong hakbang upang mabawasan ang posibleng epekto ng matinding init at kakulangan sa tubig, lalo na sa sektor ng agrikultura at kabuhayan ng mamamayan.

‎Kabilang sa mga inilahad na paghahanda ang information campaign ng Bureau of Fire Protection laban sa sunog at grass fire, habang sinabi naman ng Cagayan Provincial DRRM na patuloy nilang mino-monitor ang kondisyon ng mga ilog at nagbibigay ng tulong at babala sa mga magsasaka at residente.

‎Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, nananatiling mataas ang posibilidad ng pagdating ng El Niño sa bansa sa mga susunod na buwan at maaari itong magtagal hanggang unang bahagi ng 2027.

‎Inaasahang muling tatalakayin at aaprubahan ng konseho ang mga action plan sa kanilang susunod na pagpupulong sa Hunyo.

Facebook Comments