
Nakikiisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa Muslim community sa buong mundo sa pagdiriwang ng Eid’l Adha o Feast of Sacrifice.
Sa mensahe ng pangulo, sinabi nitong ipinapaalala ng Eid’l Adha ang kahalagahan ng matibay na pananampalataya, pagsunod sa kalooban ni Allah, at pagtitiwala sa mas mataas na layunin para sa kapwa.
Ayon pa kay Pangulong Marcos, itinuturo ng banal na pagdiriwang na ang anumang sakripisyo para sa tama, makatarungan, at marangal na layunin ay hindi kailanman nasasayang.
Binigyang-diin din ng pangulo na ang Eid’l Adha ay paalala na isantabi ang pansariling interes at pairalin ang kababaang-loob, debosyon, at malasakit sa kapwa.
Umaasa rin aniya ang pangulo na magsilbing inspirasyon ang pagdiriwang upang lalong tumibay ang pagkakaisa at mga pagpapahalagang nagbubuklod sa bawat Pilipino bilang iisang bansa.










