
Cauayan City – Sa pagpasok ng panahon ng tag-init, apektado rin ang mga ibinebentang buhay na manok sa Cauayan City.
Sa panayam ng IFM News Team kay Ginang Cristy Ramirez, isa sa mga nagbebenta ng cull o buhay na manok sa Cauayan City, hindi lamang tao ang naapektuhan ng nararanasang init ng panahon.
Aniya, dahil sa taas ng temperatura ay may mga pagkakataon na namamatay ang mga ibinebenta nitong manok na siyang dahilan ng pagkalugi.
Sinabi nito na may mga pagkakataon naman na mayroon pa ring bumibili ng manok na namamatay dahil ibinebenta ito sa mas murang presyo, subalit madalas ay ginagawa na lamang umano nila itong pang-ulam upang hindi naman masayang.
Sinabi rin ng Ginang na hamon rin sa kanila ang matumal na benta, at ang pagtaas ng presyo ng kanilang paninda.
Ang dating P120 na halaga ng kada isang piraso ng cull ngayon ay nasa P150 na, habang ang dating P450 na bicull ay umabot na rin sa P500.
Bilang alternatibong paraan upang maiwasan ang pagkamatay ng mga manok, madalas umanong pinapainom, binabasa, at pinapaliguan ni Ginang Ramirez ang mga manok upang maibsan ang nararamdamang init dulot ng mainit na panahon.










