
CAUAYAN CITY-Patuloy na nararanasan ng mga magsasaka ng mais sa Barangay San Pablo ang mabigat na epekto ng moisture stress, na nagdudulot ng malaking pagbaba sa kanilang ani.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Eduardo Cariaga, Brgy. Kagawad ng Brgy. San Pablo, ibinahagi niya na malaki ang ibinaba ng produksyon ng mais dulot ng matinding init ng panahon. Mula sa inaasahang 100 kaban kada kalahating ektarya, umaabot na lamang sa 50 hanggang 60 kaban ang kanilang naaani.
Ayon kay Ginoong Cariaga, bukod sa kakulangan ng moisture o tubig sa lupa, nakadaragdag din sa kanilang problema ang patuloy na krisis na nararanasan sa bansa.
Aniya, tumaas na rin ang singil sa mga makinaryang ginagamit sa pag-aani, na lalo pang nagpapabigat sa kanilang gastusin.
Umaasa naman ang mga magsasaka, sa naturang barangay na matatanggap nila ang mga ayuda mula sa mga kinauukulan na higit na makatutulong upang makabawi sa pagkalugi nila sa kanilang mga pananim na mais.










