PARUSA SA MGA LALABAG SA ANTI-LITTERING ORDINANCE SA MANGALDAN, MULING IPINAALALA

Muling ipinaalala ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang karampatang parusa sa mga mahuhuling lalabag sa Sangguniang Bayan Ordinance No. 2009-52 o ang Anti-littering Ordinance sa bayan.

‎Batay sa ordinansa, mahigpit na ipinagbabawal ang iba’t ibang gawaing nakakasira sa kalinisan gaya ng pagtatapon ng basura sa mga pampublikong lugar tulad ng kalsada, bangketa, kanal, estero, parke at maging sa loob ng mga establisimyento.

Kabilang din sa mga ipinagbabawal ang pagsusunog ng solid waste maliban sa piling aktibidad, hindi tamang paghihiwalay ng basura, ilegal na pagkuha ng recyclable materials, at paggamit ng mga hindi environment-friendly na packaging tulad ng styrofoam at plastik.

‎Sa ilalim ng ordinansa, papatawan ng multang ₱300 o pagkakakulong ng limang araw hanggang isang buwan ang unang paglabag. Tataas ito sa ₱500 o pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan sa ikalawang paglabag, at ₱1,000 o anim na buwan hanggang isang taong pagkakakulong sa ikatlong paglabag.

‎Para naman sa mga establisimyento, maaaring pagmultahin ng hanggang ₱2,000, ma-impound ang kanilang sasakyan, o makulong depende sa desisyon ng korte.

Bahagi ng kampanya para sa mas malinis at ligtas na kapaligiran sa bayan ang striktong pagpapatupad ng ordinansa.

Dagdag pa ng tanggapan, ang mga malilikom na multa ay ilalaan sa Solid Waste Management Fund ng bayan upang pondohan ang mga programang pangkalinisan.

Facebook Comments