Isinulong sa isang regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan sa La Union ang agarang pagpasa ng panukalang ordinansa na naglalayong magbigay ng tulong-pinansyal at relief assistance sa mga tricycle driver na labis na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.
Layunin nitong maibsan ang hirap ng mga tsuper na kumikita na lamang ng ₱300 hanggang ₱500 kada araw o mas mababa pa, habang nananatiling kontrolado ang pamasahe kahit lumalagpas na sa ₱100 kada litro ang gasolina. Dahil dito, napipilitan ang ilan na magbawas ng oras ng pasada, na nagdudulot ng kakulangan sa masasakyan lalo na sa mga liblib na lugar.
Binigyang-diin sa sesyon na hindi basta makapagtataas ng pasahe ang mga tsuper dahil sa umiiral na regulasyon, at kadalasa’y nahaharap pa sa reklamo mula sa mga pasahero.
Sa ilalim ng panukalang ordinansa, inaasahang makatatanggap ang mga kwalipikadong tricycle driver ng isang beses na tulong-pinansyal na ₱2,000, t mga pangunahing pangangailangan tulad ng kalahati hanggang isang sako ng bigas, bukod pa sa suportang ipagkakaloob sa kanilang mga asosasyon.
Kasalukuyang sumasailalim sa pagsusuri ng iba’t ibang komite ang naturang panukala, kabilang ang transportasyon, pananalapi, serbisyong panlipunan, at disaster preparedness bilang bahagi ng mas malawak na layunin na unahin ang kapakanan ng mga sektor na higit na naaapektuhan ng kasalukuyang krisis.
Sa kabuuan, itinuturing ang hakbang na ito bilang mahalagang tugon upang mapanatili ang kabuhayan ng mga tricycle driver at masiguro ang tuloy-tuloy na serbisyong transportasyon para sa publiko.










