
Cauayan City – Nauwi sa malagim na trahedya ang dapat sana ay masayang selebrasyon ng kapistahan sa Brgy. San Rafael Abajo, Santo Tomas, Isabela matapos ang nangyaring pamamaril na ikinasawi ng 4 na indibidwal nitong ika-24 ng Mayo.
β
Kabilang sa pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang kapitan ng Brgy. Colonguan na si Jimmy Lopez Paeste Jr., PCpl Frederick Bautista na nakatalaga sa Sto. Tomas Municipal Police Station, alyas βMarlo,β 18-anyos, at alyas βDen,β 48-anyos na kapwa residente ng Bagabag, Sto. Tomas.
Samantala, sugatan rin sa insidente sina alyas βMarj,β 37-anyos, PMSg Jayson Acierto ng Sto. Tomas MPS; alyas βLar,β 39-anyos, at isang 17-anyos na dalagita matapos silang tamaan ng bala mula sa mga armadong suspek na agad tumakas matapos ang krimen.
Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Sto. Tomas MPS katuwang ang iba’t-ibang unit ng kapulisan upang matunton ang mga salarin.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang puting van at dalawang motorsiklo ang hinihinalang ginamit na getaway vehicles ng mga suspek. Nakarekober naman ang SOCO ng limang basyo ng caliber 5.56mm at dalawang basyo ng caliber .45 sa pinangyarihan ng insidente.
Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group (SITG) ang PRO2 upang pangunahan ang masusing imbestigasyon at pagtugis sa mga responsable.
Nanawagan din ang PRO2 sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad magsumbong ng anumang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon. Kasabay nito, nagpahayag ang PRO2 ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga nasawi at panalangin para sa mabilis na paggaling ng mga sugatan.










