
Cauayan City – Tatlong indibidwal ang naaresto habang isang menor de edad ang nailigtas matapos mabuwag ng mga awtoridad ang isang hinihinalang drug den sa Brgy. Calao East, Santiago City, Isabela noong Huwebes ng hapon, ika-18 ng Hunyo.
Kinilala ang mga naaresto sa mga alyas na “David,” 26 anyos at residente ng Brgy. Planas, Ramon, Isabela; “Tin,” 41 anyos; at “Mar,” 27 anyos, na kapwa residente ng Brgy. Calao East, Santiago City.
Samantala, isang 17-anyos na menor de edad ang nasagip sa operasyon at isasailalim sa kaukulang interbensyon alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Sa operasyon, nasamsam ang tinatayang 150 gramo ng pinaghihinalaang tuyong dahon at fruiting tops ng marijuana na may tinatayang halagang Php18,000, gayundin ang pitong gramo ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga ng Php8,400.
Narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money, isang cellphone, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Sa ngayon, nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa PDEA Regional Office 2, bahagi ang operasyon ng patuloy nitong kampanya laban sa ilegal na droga at sa layuning mapanatiling ligtas ang mga komunidad habang pinangangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan at iba pang vulnerable sector.









