BSP, NAGPAALALA LABAN SA PATULOY NA PAGDAMI NG SCAM AT FRAUD SA BANSA ‎ ‎

Nagbigay ng paalala ang Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) hinggil sa patuloy na pagkalat ng Scam at fraud.

‎Kasabay ng pagsasagawa ng talakayan ukol sa mahalagang papel nito sa pangangasiwa ng mga bangko at iba pang institusyong pinansyal upang maprotektahan ang publiko.

‎Ayon sa BSP, patuloy nitong pinapalakas ang mga mekanismo at regulasyon upang matiyak ang seguridad ng mga transaksyong pinansyal at maprotektahan ang mga mamimili laban sa panlilinlang at iba pang uri ng fraud.


‎Binigyang-linaw rin sa talakayan ang konsepto ng fraud ayon sa Article 1338 ng Civil Code of the Philippines, kung saan itinuturing itong umiiral kapag sa pamamagitan ng mapanlinlang na pananalita o panlilinlang ng isa sa mga partido, nahihikayat ang kabilang panig na pumasok sa isang kasunduan na hindi niya gagawin kung wala ang naturang panlilinlang.


‎Batay sa datos ng Global Anti-Scam Alliance (GASA) State of Scams in the Philippines 2025 Report, 77% ng mga Pilipino ang nakaranas ng scam, 30% ang nawalan ng pera sa nakalipas na 12 buwan, at 74% naman ang hindi nag-uulat ng kanilang karanasan sa mga awtoridad o kinauukulang ahensya.

‎Ayon kay Alvin A. Tolosa, Deputy Director ng Consumer Protection and Market Conduct Office ng BSP, mahalagang tandaan ang acronym na ALERT: Avoid further contact, Lock accounts and devices, Gather evidence, Report to the financial institution, at Tell the appropriate authorities upang makaiwas sa mga scam.

‎Pinaalalahanan din niya ang publiko na iwasan ang pag-click sa mga hindi pamilyar na link, maging maingat sa pagbibigay ng One-Time Password (OTP), at suriing mabuti ang bawat transaksyong pinansyal upang maiwasan ang panlilinlang.

‎Dagdag pa ni Tolosa, ang mga kaso ng scam ay dumaraan sa masusing imbestigasyon kaya’t ito ay case-to-case basis pagdating sa posibleng reversal ng mga transaksyon.

‎Ipinakilala rin ng BSP ang BSP Online Buddy (BOB), isang plataporma kung saan maaaring iulat ng publiko ang mga reklamo kaugnay ng scam, fraud, at iba pang isyu sa mga bangko at financial service providers.

‎Samantala, para sa mga isyung may kaugnayan sa lending at investments, maaaring lumapit sa Securities and Exchange Commission (SEC); sa cybercrime at iba pang kriminal na gawain, sa National Bureau of Investigation (NBI); at para naman sa pagharang sa mga scammer, sa National Telecommunications Commission (NTC).

‎Patuloy na hinihikayat ng BSP ang publiko na maging mapagmatyag, mapanuri, at responsable sa paggamit ng digital financial services upang maiwasan ang banta ng panlilinlang sa makabagong panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments