
Cauayan City – Sinampahan na ng kasong pagnanakaw ang mag-inang nahuli sa aktong naglalaslas ng bag sa isang pribadong pamilihan sa lungsod ng Cauayan kamakailan.
Sa eksklusibong panayam ng IFM News Team kay Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo, Officer-In-Charge ng Cauayan City Police Station, base sa nakuha nilang record sa database ng Philippine National Police Headquarters, napag-alaman nilang dalawang dekada na umanong ginagawa ng mag-ina ang ganitong kriminal na gawain.
Ayon sa hepe, mayroong 16 na existing records ng kasong pagnanakaw ang dalawa sa iba’t-ibang lugar sa bansa. Nadagdagan pa ito ng 4 matapos magsampa ng kaso ang mga nabiktima ng dalawa dito sa lungsod ng Cauayan.
Gayunpaman, nakalaya umano ang mga ito sa kabila ng pagkakaaresto dahil sa pag-atras ng ibang complainant at pagbabayad ng mga ito ng piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Sinabi ng hepe kadalasang biktima ng mga ito ay ang mga babaeng senior citizen na walang kasama.
Samantala, bilang karagdagang hakbang upang maiwasan ang ganitong insidente ay nagdagdag na ng police personnel ang Cauayan City Police Station sa Cauayan City Private Market para sa mas pinalakas na police visibility.










