
Patuloy na naghahanda ang Philippine Coast Guard (PCG) hinggil sa papalapit na bagyong Inday sa mga susunod na araw.
Sa panayam kay PCG Deputy Spokesperson, Commander Michael John Encina, nagsisimula sila sa pagpapalawak sa kaalaman ng mga residente sa mga dapat gawin upang maging ligtas sa pananalasa ng bagyo.
Partikular ang mga residente sa National Capital Region (NCR), Northwestern Luzon, Northeastern Luzon, at Bicol na maaaring daanan ng nasabing bagyo.
Nakipag-ugnayan din ng PCG sa mga Local Government Unit (LGU) upang masiguro na nakahanda ang mga deployable response group bago pa man maganap ang mga inaasahang epekto ng sama ng panahon.
Binigyang-diin din ni Commander Encina na mahalaga ang koordinasyon sa iba pang ahensya upang masiguro ang mabilis at maaasahang serbisyo sa kasagsagan ng bagyong Inday.
Hinikayat ng PCG ang publiko na tumutok sa mga weather advisory at unahin ang kaligtasan sa lahat ng oras kung saan pinapaalalahanan ang mga mangingisda at tripulante sa posibleng pagkansela ng biyahe sa karagatan para na rin sa kanilang kaligtasan.










