Tuesday, July 7, 2026

𝗠𝗨𝗟𝗧𝗜𝗣𝗟𝗘 𝗢𝗩𝗨𝗟𝗔𝗧𝗜𝗢𝗡 𝗔𝗡𝗗 𝗘𝗠𝗕𝗥𝗬𝗢 𝗧𝗥𝗔𝗡𝗦𝗙𝗘𝗥, 𝗜𝗦𝗜𝗡𝗨𝗦𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚 𝗡𝗚 𝗟𝗨𝗡𝗚𝗦𝗢𝗗 𝗡𝗚 𝗜𝗟𝗔𝗚𝗔𝗡

CAUAYAN CITY- Isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Ilagan ang programa nito sa pagpapahusay ng lahi ng mga alagang hayop sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang customized Mobile Laboratory na gagamitin sa pagpapatupad ng Multiple Ovulation and Embryo Transfer (MOET)Technology.

Layunin nitong mailapit ang makabagong teknolohiya sa mga livestock raiser nang hindi na kailangang ilipat pa ang kanilang mga alagang hayop sa malalayong pasilidad.

Sa panayam ng IFM News Team kay Ilagan City Mayor Josemarie Diaz, sinabi nitong isa itong mahalagang pagkakataon upang higit pang palakasin ang sektor ng agrikultura sa lungsod sa na naglalayong mapaganda ang lahi ng mga baka at kalabaw.

Sa ilalim ng MOET Technology, maaaring makalikha ng maraming embryo mula sa piling babaeng hayop sa loob lamang ng isang breeding cycle. Ang mga embryo ay inililipat sa recipient animals upang mabilis na maparami ang mga hayop na may mataas na kalidad, kabilang ang mas mataas na produksiyon ng gatas, mas mabilis na paglaki, mas magandang kalidad ng karne, mas mataas na fertility, at mas matibay na resistensya sa sakit.

Ayon sa Pamahalaang Lungsod, ang proyekto ay patunay ng patuloy nitong pamumuhunan sa agham, teknolohiya, at inobasyon upang makamit ang isang mas matatag, produktibo, at maunlad na sektor ng agrikultura para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga Ilagueño.

Facebook Comments