
Nangangamba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magbabago ang paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) oras na matapos na ang kaniyang termino.
Ayon sa pangulo, isa ito sa pinakamahalagang usapin na kinakaharap ng bansa kaya dapat maging tuloy-tuloy ang pagtatanggol ng bansa sa soberanya at karapatan nito sa WPS.
Napatunayan na rin aniya na tama ang posisyon ng Pilipinas dahil patuloy itong sinusuportahan ng ibang mga bansa katulad ng Canada, kung saan kinikilala ang Arbitral ruling bilang pagpapatupad ng international law at paggalang sa territorial integrity at sovereign rights ng Pilipinas.
Umaasa naman si Pangulong Marcos Jr., na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang matatag na paninindigan ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Award, na aniya ay mahalaga sa pagtatanggol ng soberanya at teritoryo ng bansa.
Sa Hulyo 12, gugunitain ang ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Award, na pumabor sa Pilipinas at nagpawalang-bisa sa malawak na maritime claims ng Tsina sa WPS.










