Thursday, June 4, 2026

𝗣𝗔𝗚𝗛𝗔𝗛𝗔𝗡𝗗𝗔 𝗦𝗔 𝗣𝗢𝗦𝗜𝗕𝗟𝗘𝗡𝗚 𝗞𝗔𝗟𝗔𝗠𝗜𝗗𝗔𝗗, 𝗧𝗜𝗡𝗨𝗧𝗨𝗧𝗨𝗞𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗣𝗗𝗥𝗥𝗠𝗖 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔

CAUAYAN CITY – Patuloy na tinututukan ng Isabela Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)
ang mga paghahanda ng lalawigan para sa mga inaasahang kalamidad sa mga susunod na buwan.

Sa isinagawang quarter meeting nitong Hunyo 3 sa Isabela Emergency Operations Center ibinahagi ni DOST-PAGASA Echague Chief Meteorologist Ramil Tuppil ang weather outlook para sa panahon ng Hunyo hanggang Nobyembre 2026.

Ayon sa kanya, nasa siyam hanggang 13 bagyo ang posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong taon.

Bagama’t inaasahang ideklara na ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan anumang araw ngayong linggo, binalaan ni Tuppil ang mga magsasaka sa posibleng epekto ng El Niño.

Batay sa pinakahuling ulat ng PAGASA, nananatiling ENSO-neutral ang kondisyon sa Karagatang Pasipiko ngunit may malaking posibilidad na mabuo ang El Niño mula buwan ng Hunyo hanggang Agosto at maaaring magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027.

Samantala, iniulat naman ni Engineer Calvin Rabiles ng NIA-MARIIS na nasa 179.71 metro above sea level ang kasalukuyang water elevation ng Magat Dam.

Sinabi rin niyang nagsimula na ang pagpapalabas ng tubig para sa irigasyon ng mga sakahang sakop ng dam.

Layunin ng naturang pagpupulong na higit pang mapalakas ang kahandaan ng lalawigan sa harap ng mga posibleng kalamidad.

Facebook Comments