
Kinondena ng Philippine National Police ang anumang kilos na nagpapakita ng kawalan ng respeto na maaaring makasira sa disiplina, propesyonalismo, at integridad sa mga opisyal na public forum, tulad ng naganap kahapon sa tanggapan ng National Police Commission.
Ito ay kasunod ng insidente kung saan sumagot ang isang pulis sa mga tanong ng media sa briefing at nakapagbitaw ng hindi nararapat na pahayag laban kay Rafael Calinisan, na naging dahilan upang paalisin ito sa lugar.
Ayon kay Jose Melencio Nartatez Jr., ang nasabing pulis ay sasailalim sa kaukulang administratibong imbestigasyon alinsunod sa umiiral na batas at due process.
Tiniyak ni Nartatez na magiging patas, may pananagutan, transparent, at consistent ang paghawak sa kaso.
Samantala, batay sa kumalat na video sa social media, makikita na pinosasan ng pulis ang isang senior citizen matapos ang isang girian habang sakay ng kani-kanilang mga sasakyan. Kalaunan ay naayos din ang insidente sa pagitan ng mga sangkot.










