
Tinanggap ni Senator Imee Marcos ang sinabi ng kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na fake news ang inilahad ng senadora na no-election sa 2028 at pagsusulong umano sa Senado ng charter change.
Ayon kay Sen. Imee na salamat naman at fake news iyon.
Nangangahulugan na tuloy ang eleksyon sa 2028 at walang magpapalawig ng termino.
Naunang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na perfect example ng fake news ang no-election sa 2028 na binanggit ng kapatid.
Pinayuhan ng pangulo na dapat sibakin ng kanyang kapatid na senadora ang staff nito na nagpaabot ng maling impormasyon.
Matatandaan na sa isang privilege speech noong Lunes, sinabi ni Sen. Marcos na nagkaroon ng pagpupulong ang noo’y Senate President at ngayo’y Minority Leader Tito Sotto III kasama si House Speaker Bojie Dy sa isang hotel at umano’y napag-usapan ang pagtutulak sa Charter Change para walang eleksyon sa 2028 at mapalawig hanggang 2031 ang termino ng pangulo, ng mga senador, at kongresista.










