
βCauayan City – Naglabas si Benito Soliven Mayor John Paul S. Azur ng Executive Order No. 25 na nagbabawal sa pag-aani, pagbebenta, at pagkonsumo ng mga isdang nahuhuli sa bahagi ng Pinacanauan River de Ilagan matapos ang naitalang fish kill incident sa bayan.
βAyon sa ulat ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), humigit-kumulang 100 patay na isda ang namataan sa ilog sa Barangay Maluno Sur noong Mayo 28.
βDahil dito, nagsagawa ng pinagsanib na inspeksyon ang lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
βAng mga nakolektang samples at biological specimens mula sa apektadong lugar ay ipinadala sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa pagsusuri upang matukoy ang sanhi ng insidente.
βHabang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon, inirekomenda ng DENR ang mahigpit na pag-iwas sa paghawak at pagkain ng mga isdang mula sa naturang ilog.
βSinabi ng lokal na pamahalaan na mananatiling epektibo ang kautusan bilang pag-iingat sa kalusugan at kaligtasan ng publiko hanggang sa pormal itong bawiin o alisin ng mga awtoridad.










