Kinilala at iginalang ng Victory Liner, Inc. ang ipinataw na 30-araw na pansamantalang suspensyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilan nitong mga ruta kabilang ang Dagupan-Baguio, PITX-Tuguegarao, at Sta. Cruz, Zambales-Baguio.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng kumpanya, sinabi nitong patuloy silang nakikipagtulungan sa mga awtoridad habang isinasagawa ang imbestigasyon at pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento kaugnay ng naganap na insidente.
Humingi rin ng paumanhin ang Victory Liner sa mga pasahero at komunidad na maaapektuhan ng pansamantalang suspensyon ng kanilang operasyon.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang kumpanya sa pamilya ng nasawing pasahero at tiniyak na prayoridad nila ang pagtulong sa mga nasugatan at naapektuhan ng aksidente.
Matatandaang isang malagim na disgrasya ang naganap noong Mayo 30 sa Marcos Highway sa Tuba, Benguet matapos umanong mawalan ng preno ang isang ordinaryong Victory Liner bus at bumangga sa isa pang Victory Liner bus at isang SUV.
Isa ang nasawi habang mahigit 90 katao ang nasugatan sa naturang insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








