
No show pa rin hanggang sa mga oras na ito ang Majority Bloc ng Senado.
Nagsimula ang pagtunog ng quorum bell alas singko ng hapon na hudyat ng pagtatawag sa mga senador para simulan ang sesyon.
Subalit, hanggang sa mga oras na ito ay mga miyembro pa lang ng minorya ang nasa plenaryo at wala pa ring makikita na majority member.
Bago ang sesyon ngayong hapon ay umalis ng Senado si Senator Jinggoy Estrada para sumuko sa Crame matapos ilabas ng Sandiganbayan 5th Division ang arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng kasong plunder sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Senator Migz Zubiri, hinihintay lang ng minorya ang presiding officer para buksan ang sesyon at wala namang abiso sa kanila na hindi sila dadalo o ikakansela ngayong araw ang sesyon.
Sinabi ni Zubiri na mayroon pa naman silang dalawang citizenship bills para sa Philippine team ng wrestling at boxing.
Sinabi naman ni Senator Kiko Pangilinan na kung walang quorum ay walang sesyon.
Samantala, nagpadala naman ng mensahe si Senate President Alan Peter Cayetano sa minorya.
Tinukoy ni Cayetano na sa mga nakalipas na mga pangyayari ay lumabo ang pagiging co-equal branch ng institusyon.
Patuloy aniyang sinusubok ang Senado at hinihimok niya ang oposisyon na magkaisa na itaguyod ang independence ng mataas na kapulungan.










