
Cauayan City — Pinarangalan ang mga tauhan ng Delfin Albano Police Station bilang pagkilala sa kanilang ipinakitang katapangan, dedikasyon, at husay sa pagpapatupad ng batas sa kanilang nasasakupan.
Sa pamumuno ni PMAJ Glanery Cabeliza, Chief of Police ng Delfin Albano Police Station, naipakita ang kahandaan ng kapulisan matapos ang matagumpay na operasyon laban sa isang armadong grupo sa lalawigan.
Ang pagkilalang ito ay kaugnay ng isinagawang dragnet operation noong ika-16 ng Abril sa Brgy. Barumbong, Sto. Tomas, Isabela.
Sa naturang operasyon, nagkaroon ng engkwentro na nagresulta sa pagkaka-neutralize ng dating lider ng nabuwag na Magsanoc Criminal Group, gayundin sa pagkakaaresto ng dalawa pa nitong kasamahan. Itinuturing itong mahalagang hakbang sa pagpapatibay ng kapayapaan at seguridad sa lugar.
Sa mensahe ni Police Brigadier General Antonio Marallag Jr., pinuri nito ang ipinakitang tapang at dedikasyon ng mga operatiba, at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang mahusay na paglilingkod sa bayan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat at suporta si Mayor Pua sa kapulisan, at binigyang-diin ang kahalagahan ng matibay na ugnayan ng lokal na pamahalaan at PNP sa pagpapanatili ng kaayusan at kaunlaran ng komunidad.
Samantala, nagpasalamat ang Delfin Albano Police Station sa natamong pagkilala at muling tiniyak ang kanilang patuloy na paglilingkod nang may integridad at malasakit sa publiko.










