
Isinusulong ni Senator Bam Aquino ang pagbawas ng value-added tax (VAT) sa 10 porsyento mula sa kasalukuyang 12 porsyento.
Layunin ng panukala na mabigyan ng proteksyon ang middle class laban sa epekto ng kasalukuyang krisis sa langis, sa pamamagitan ng pagpapababa ng buwis sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo.
Sa Senate Bill No. 2047 o VAT Reduction Act na inihain ni Aquino, iminungkahi ang pag-amyenda sa National Internal Revenue Code upang maisakatuparan ang pagbawas sa VAT.
Saklaw ng panukala ang iba’t ibang sektor, kabilang ang mga imported na produkto, digital services, at paggamit o pagrenta ng mga ari-arian.
Ipinunto ni Aquino na habang tumatagal ang krisis, hindi lamang ang mahihirap ang naaapektuhan kundi pati na rin ang middle class na karaniwang hindi nakatatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
Ayon pa sa senador, ang bahagyang pagbawas sa VAT ay makatutulong upang maibsan ang gastusin ng mga mamamayan at makasuporta sa mas inklusibo at matatag na ekonomiya.










