Friday, April 17, 2026

28 indibidwal na kinabibilangan ng 3 menor de edad na nagsasagawa ng illegal drag racing, naaresto sa Pagadian City; 28 motorsiklo, nasamsam

Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa isinagawang checkpoint operation ang 28 indibidwal na nagsasagawa ng illegal drag racing ng madaling araw sa kahabaan ng Airport Road, Brgy. Tiguma, Pagadian City.

Ayon kay HPG Spokesperson PLt. Nadame Malang, 3 sa 28 indibidwal ay napag-alamang mga menor de edad, at dito na rin nasamsam ang 28 motorsiklo na na-impound.

Apat sa nasabing mga nasamsam na motorsiklo ay walang OR at CR, walo ang walang side mirrors, at 3 ang may illegal mufflers.

Ang nasabing mga motorsiklo ay nasa kustodiya ng Zamboanga HPG para mabigyan ng clearance ang ibang mga motor na hindi sangkot sa nasabing drag racing.

Ayon kay Malang, base sa natanggap nilang impormasyon ay nasa 5,000 hanggang 10,000 ang pustahan sa nasabing ilegal na aktibidad.

Samantala, pinatawag na rin ang mga magulang ng 3 menor de edad na napag-alamang wala ring mga lisensya, ito ay para matukoy kung saan nanggaling ang motor na gamit nila.

Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act No. 4136 o Land Transportation and Traffic Code ang mga indibidwal.

Facebook Comments