Wednesday, November 4, 2026

₱1.36-B halagang shabu mula Laos, nasabat sa Manila International Container Port

Screenshot from DILG Philippines/Facebook

Nasabat ng mga awtoridad sa Manila International Container Port (MICP) ang 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱1.36 bilyon sa North Harbor, Maynila ngayong Nobyembre 4.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang droga ay nakasilid sa 200 vacuum-sealed plastic bags na isiniksik sa 50 karton at nagmula sa Laos.

Sinabi ni PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez na mahalaga ang palitan ng intelligence information at mahigpit na koordinasyon sa mga katuwang na bansa upang mapigilan ang paggamit ng mga international shipping route sa pagpupuslit ng iligal na droga.

Noong Setyembre 2026, nakatanggap ang PDEA ng impormasyon mula sa kanilang foreign counterparts tungkol sa hinihinalang drug shipment na patungo sa Pilipinas.

Dumating ang container sa Manila North Harbor noong Oktubre 6 at isinailalim sa x-ray, K9 inspection at Raman spectrometer test at nagpositibo ito sa shabu.

Nang walang sinumang kumuha sa kargamento matapos ang itinakdang panahon, isinailalim ito sa abandonment proceedings at binuksan, dahilan upang madiskubre at makumpiska ang iligal na droga.

Patuloy ang backtracking investigation ng PDEA upang matukoy ang consignee at iba pang nasa likod ng shipment.

Posible silang maharap sa kasong paglabag sa Section 4 o Importation of Dangerous Drugs ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, makikipag-ugnayan sila sa bansang Vietnam para alamin kung sino talaga ang nagpadala at consignee o tatanggap sa naturang shipment dito sa bansa.

Ang shipment kasing mula sa Lao PDR ay isinakay sa Haiphong, Vietnam bago ipinasok sa Pilipinas.

Facebook Comments