Wednesday, July 15, 2026

₱32.57-B dibidendo ng LANDBANK, pinakamalaki sa mga GOCC sa ika-3 sunod na taon

Muling itinanghal ang LANDBANK bilang top dividend-contributing Government-Owned or -Controlled Corporation o GOCC matapos mag-remit ng ₱32.57 bilyon sa National Government ngayong 2026—ang pinakamataas na dibidendo sa lahat ng mga GOCC sa ikatlong sunod na taon.

Sa kabuuang halaga, ₱32.35 bilyon dito ang mula sa kinita ng LANDBANK noong nakaraang taon. Nauna nang nagbigay ang LANDBANK ng ₱33.53 bilyon noong 2025 at ₱32.12 bilyon noong 2024, na nagpapatunay sa tuloy-tuloy nitong malakas na operasyon at malaking ambag sa kaban ng bayan.

Kinilala ang Bangko sa ginanap na 2026 GOCC Day sa Malacañang noong Hulyo 8, sa pangunguna nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Finance Secretary at LANDBANK Chairman Frederick D. Go.

Ayon sa Department of Finance, umabot sa ₱147.15 bilyon ang kabuuang dibidendong naibigay ng mga GOCC ngayong 2026, na mas mataas ng 29% kumpara sa nakaraang taon. Malaki ang naging bahagi ng LANDBANK sa pagtatala ng rekord na remittance ng mga GOCC sa gobyerno.

Tinanggap ni LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz ang parangal at sinabing ang patuloy na dividend contributions ng LANDBANK ay bunga ng matatag nitong financial performance at ng misyon nitong suportahan ang pambansang kaunlaran. Aniya, sa pamamagitan ng mga remittance na ito ay mas napapalakas ang pondo ng pamahalaan para sa mga mahahalagang programa at serbisyong direktang nakikinabang ang mga Pilipino.

Bukod sa LANDBANK, pinarangalan din ang mga subsidiary nitong LANDBANK Insurance Brokerage, Inc. (LIBI), LANDBANK Leasing and Finance Corporation (LLFC), at LBP Resources and Development Corporation (LBRDC) dahil sa kanilang kontribusyon sa kabuuang kita at dibidendo ng LANDBANK Group.

Kinilala rin ang LANDBANK sa aktibong pakikilahok nito sa GOCCs’ Service Caravan sa Cagayan de Oro noong Hunyo 29 at 30 2026, na naglalayong mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mas maraming komunidad.

Ang pagbibigay ng dibidendo ay alinsunod sa Republic Act No. 7656 o Dividend Law, na nag-aatas sa mga GOCC na mag-remit ng hindi bababa sa 50% ng kanilang taunang kita sa Pambansang Pamahalaan. Sa pamamagitan nito, patuloy na nabibigyan ng pondo ang mahahalagang programa at proyekto sa imprastraktura, healthcare, at iba’t ibang sektor.

Patunay ito na nananatiling isa ang LANDBANK sa pinakamalalaking tagapag-ambag ng kita sa gobyerno habang patuloy na nagbibigay ng suporta sa mga magsasaka, mangingisda, local government units, MSMEs, at iba pang pangunahing sektor ng ekonomiya. #

Facebook Comments